Biyernes ng gabi.
Pauwi ako mula sa paghahanap ng trabaho. Sumakay ako sa may terminal sa Cubao. Halos alas otso na ng gabi ito. Matapos mapuno ang jeep, nagtungo na ito padaan ng P. Tuazon at naghanap ng gas station.
Pagpunta namin sa unang gasulinahan, puno ng jeep ang pila ng discounted. Nagintay kami ng ilang sandali ngunit wala pa kami sa unahan ng pila, may lumapit na agad sa driver at sinabing wala na silang gas, kahit yung hindi discounted.
Nagmadali yung jeep na sinasakyan ko papunta sa susunod na gas station. Marami pa ring jeep na nakapila ngunit wala na rin silang gas.
Lumipat na naman kami sa isa pang gasulinahan. Mabuti na lang may gas pa sila kaya lang wala na para sa linya ng mga PUV (public utility vehicles) na discounted ang presyo. Bagamat halos sampung piso din ang ikakamura ng discounted gas, hindi na pinansin ng driver ang presyo. Basta kailangan na raw niya makapagpasada at nagbayad na lang ng P400. Nang tiningnan ko kung gaano karaming gasulina ang nabili niya sa presyong ito, halos 8 litro lang. Sa tingin ko, hindi pa ito makakaabot hanggang Antipolo kung magkataon.
Ang pangit isipin na ilang taon lang ang nakakalipas, kalahati pa ang presyo ng gasulina sa kung ano ito ngayon. Kung tutuusin, nagtaas na naman ang presyo pagdating ng Sabado ng umaga, gayong sabi sa balita hindi naman nagtaas ang presyo ng gas sa world market, bagkus ito'y bumaba pa. Bagamat ako kong tumaas ang presyo sa pamasahe, hindi ko rin maiaalis sa mga driver ng jeep na kailangan din nilang kumita kahit papaano para mabuhay.
Tapos makakakita ka ng mga patalastas na nagsasabing gumaganda ang ekonomiya ng bansa na parang wala tayong problema. Tanga na talaga ang magsasabing hindi naghihirap ang bansang ito.
No comments:
Post a Comment