Friday, April 4, 2008

pagmamakaawa sa grades

Apat na taon na ang nakakalipas, namulat ako sa buhay kolehiyo na posible palang magmakaawa ng grades, lalo na kung sa grades nakasalalay ang pananatili mo sa pamantasan.

Hindi ko naman minasama ang ganoon noong mga panahong iyon. Kung tutuusin, sa tingin ko ay nagkaroon ito ng humbling effect sa akin, dahil kahit alam mo na magaling ka, sa pagmamakaawa ng grades makikita mo na kailangan mo rin ang ibang tao.

Matapos kong lumipat ng pamantasan at namulat uli sa kulturang kayang ipahayag ang pagkakapantay-pantay ng bawat indibidwal. Sa tagal na rin ng pamamalagi ko sa pamantasang ito, siguro nga'y nalimutan ko na ang pakiramdam ng lumuluhod sa propesor para lang sa grade.

Kababasa ko lang ng isang email sa aming groups para sa aking EDCO class. Sa dami na rin naming nadali dyan sa online class, tests, reflection papers at ilang beses na pagpirma ng mga papel na nagsasabing graduating kami, hindi pa rin nagbibigay ng grade yung propesor.

Kamakailan, may isa pang estudyanteng nagparamdam sa groups at nagtatanong kung kailan namin malalaman ang aming mga grades. Kailangan daw niya kasi para sa scholarship niya at bilang hindi nagpaparamdam ang aming propesor, pinuntahan na niya ito at nagmakaawa na rin sa groups.

Hindi ko naman tinatanggi na nagmakaawa na ako ng grades pero hindi ko pa nasubukan sa harap ng maraming tao. Siguro, gusto ko pa rin mag-iwan ng kahit konting dangal para sa sarili ko. Alam ko kasing lalaitin muna ako bago talaga pumayag ang propesor sa akin. Kumbaga, noong mga panahong iyon, alam ng mga kaklase kong nakikipagusap ako sa mga propesor pero hindi pa nila talaga nakitang ginawa ko iyon.

Ayaw ko rin talagang mainis sa klaseng ito dahil marami pa rin naman akong natutunan. Pero, masyado na kasing maraming tinatamaan, masyado nang maraming nag-aalala, at marami na ring pumoporma para sa grades. Pakiwari ko, hindi na tama. Yung nagmamakaawa sa email, nasambit pa na kahit ano gagawin niya, makuha lang ang grades na kailangan niya.

Gusto ko tuloy isipin kung nasaan ang pagkukulang. Dahil ba naka-leave ang propesor ng higit sa dalawang buwan at pinilit pa siyang magturo gayong ganito pala ang sitwasyon?

Ewan. Gusto kong isipin na mabait pa rin yung propesor at hindi niya talaga ugaling mangbagsak. Ang hirap din lang sa aking tanggapin na dahil sa isang elective madadali pa ang graduation ko gayong natapos ko ng maayos ang thesis ko at nagingat naman ako na hindi pabayaan ang iba ko pang klase.

haay. gusto ko na lang isipin na mahal ako ni Lord.

No comments:

Post a Comment