Ngayong semestre, tatlo sa anim kong klase ang manggagaling sa CEd. Unang beses itong mangyayari na mas marami ang mga klase ko sa ibang kolehiyo kaysa sa pinaggalingan ko.
Sa unang araw ng klase, tatlo sa apat kong propesor ang hindi dumating sa klase. Ibig sabihin nito, mas maraming oras ang naubos ko sa pagtambay sa kung saan-saang sulok ng CEd. At dahil hindi ko nga naman kolehiyo ito, medyo masagwa sa pakiramdam ang tumatambay kung saan lang, lalo na kapag walang kasama.
Iyan ang akala ko.
Sa pagtambay ko, marami akong nakasalubong na dati kong mga kaklase. Noong una'y iniisip kong hindi nila ako papansinin o kaya nama'y hindi ako nakikilala dahil hindi naman talaga ako nagpapapansin kapag nasa ibang kolehiyo ako, nagkamali ako. Sa dami ng nakasalubong ko, hindi ko naramdaman na nasa ibang lugar ako.
Paakyat ako sa ikatlong palapag nang tawagin ako ni Rey, ang partner ko sa report sa EDL121 (Language Test Development). Nagtaka siya nang makita ako sa CEd sa pagaakalang dapat nagtapos na ako sa pag-aaral.
Nakasalubong ko rin ang partner ko sa kabadingan na si Mhira. Muntik na niyang kunin ang isa kong subject kaya lamang may hinahabol siyang major na kapareho ng oras.
May ilan pa akong nakasalubong na kaklase ko dati sa EDSP 122 (Montessori and Other Approaches to Early Childhood Education). Kaklase ko rin si Ate Mai na dati kong kagrupo sa EDSP 122 (Creativity).
Ang kinakatakot ko talaga kapag nalayo ka sa iyong kolehiyo, parang alam mo sa pakiramdam na hindi ka dapat naroon. Pero, sa mga oras na nagpapalipas-oras ako, mukha nga yatang nakahanap ako ng ikalawang tahanan sa UP.
No comments:
Post a Comment