Tuesday, November 6, 2007

ilang alaala ng nakaraan

Apat na taon na rin ang nakakalipas nang ako’y lumipat ng eskwelahan. Naaalala ko pa noon kung gaano ko hindi ginusto ang aking ginawa. Kung hindi lang ako pinilit ng aking ama, masaya na akong makakapagtapos sa UST at maaaring may honors pa dahil sa aking scholarship.

Kung aalalahanin ko kung bakit nga baa yaw kong umalis ng UST, una kong naiisip sina Gia, Aji, Mai, Issai, Rikki at Christian, anim ba taong nagpasaya ng aking sandaling pamamalagi.

Una kong narinig ang pangalan ni Gia mula sa isang kaibigang nakasama ko sa isang convention noong ako’y nasa hayskul pa. May kabarkada daw si Paula na pumasok sa Journalism sa UST. Sa tatlong section ng first year, sinong magaakalang magiging kaklase ko pala ang Gia na tinutukoy ni Paula. Maganda, tahimik, at magaling na mag-aaral, ito palang si Gia ay may pagkabaliw din kapag ilan lang kayong magkakasama. Magkatapat lang kami ng subdivision na tinitirahan kaya sa loob ng isang taon, araw-araw kaming magkasabay pumasok, umuwi at gumala. Nasaksihan din niya ang mga kaguluhan ng buhay ko sa mga oras na iyon, at siya ang kasama ko nang ako’y mabundol ng isang pulang van sa may Ortigas Ave.

Malapit-lapit din ang tirahan ni Aji mula sa amin ni Gia kaya rin madalas namin siyang nakakasabay pauwi. Mahilig kumanta at magaling din sa pag-aaral, kay Aji ko lang narinig na ang kasaysayan, kapag hindi mo natatandaan, alalahanin na parang chismis sa showbiz. Ayaw mong pakinggan, ngunit dahil chismis sya, hindi mo mapipigilang maalala. Ilang beses na rin kaming na-link ni Aji. Minsan pa’y nagalit siya umano kay Rikki sa selos dahil nagiging malapit kaming magkaibigan ni Rikki at di umano’y niregaluhan daw ako ni Rikki ng stuff toy. Nakakatawa pa ring isipin kung saan nanggagaling ang ganitong mga usapin sa loob ng klase.

Si Mai naman ang aking makwentong kaibigan. Maraming nasasabi sa kung anu-anong bagay, si Mai ay isa sa iilang taong kilala ko na matindi kung sumuporta sa kaibigan. Nakakahiya lang isipin na hindi ko na naalala kung paano ba talaga kami naging malapit na magkaibigan ni Mai. Siguro dahil Tan ang apelyido na at magkasunod kami sa upuan.

Noong una kong nakilala si Gia, magkasama n asila ni Isasi. Sa alala ko, magkapareho sila ng oras ni Gia ng PE kaya sila nagkasabay. Velez ang kanyang apelyido, isang upuan ang agwat mulas a akin. Ngunit dahil madalas na wala ang taong nasa gitna namin, maraming beses na rin kaming nagkakatabi. SIya ang unang taong nakasaksi ng aking mga attention deficiency tendencies at tinawag niya itong last row syndrome, dahil tuwing nakaupo lang kami ako inaatake ng aking tendencies.

Mabait, gwapo, baliw ngunit tunay na kaibigan, si Rikki ang kaisa-isang kaklase ko sa PE at ka-block ko pa. Dahil na rin dito, nakikita kaming magkasama tuwing Huwebes na siyang naging usap-usapan sa klase. Matapos ng ilang taon, napagalamanan naming dalawa na malayo pala kaming magpinsan, siya sa ina, ako sa ama.

Isa lang ang masasabi ko kay Christian, tapat na kaibigan. Siya ang kauna-unahang taong nakilala ko sa UST. Nakatabi ko siya noong nag-entrance exam at nakasabay ko rin sa confirmation at enrollment. Isang Biology major na may planong mag-doktor, si Chris ay isang performer na may kahinaan sa tagalog kaya nama’y naging unang unofficial student ko sa Filipino. Madalas kong nakakasama sa pananghalian, si Chris ang naging takbuhan ko sa lahat ng naging problema ko ng mga oras na iyon, mula sa mga chismis, pamilya, simbahan, pagkakaibigan at kahit pa buhay pag-ibig. Ilang beses na rin kaming nagpag-isipan dahil sa madalas ko siyang katext kapag walang kaming propesor.

Naaalala ko noong kinailangan namin nila Gia mag-report para sa klase naming sa Panitikang Pilipino. Hindi kami magaling umarte, ayaw rin naman naming magsalita na lang basta. Nagdala kami ng mga laruan (action figures, stuff toys, little soldiers) at ginamit naming puppet upang ikwento ang akda.


Naalala ko ang mga pagkakataong nakaupo kami ni Gia sa Colayco Park upang mag-dub kunwari sa mga taong nasa paligid namin, tulad na lamang ng nasa commercial ng Piatos. Ipinangako namin sa aming mga sarili na bago mag-graduation, pupunta kami sa isang spa.

Dalawa lang ang buhay ko sa UST, pag-aaral at kaibigan. Nakatutok ako sa pag-angat ng sarili, siguro dahil iyon ang dinidikta ng paligid ko, siguro dahil masyadong malakas ang kumpetisyon.

Gayonpaman, masaya naman talaga ako noong ako'y nasa UST at hindi ko na pinangarap pang umalis. Taon din ang binilang ko upang tuluyan ko nang matanggap na nasa ibang lugar na ako at iba na ang buhay naming magkakaibigan.

Napakaibang tao ko talaga noon. Napaka-materyaloso, elitista at hilig makibagay.

Kung hindi naman ako lumipat, hindi ko makikita ang buhay ng tao sa ibang perspektibo, sa isang pananaw na ang buhay ay para sa serbisyo sa kapwa. Paano ka magsisilbi sa ibang tao kung uunahin mo ang iyong sarili. Naging masakit nga sa akin ng umalis ako, pero kung titingnan ko din kung paano ako binago ng UP na gamitin hindi sa pangsariling kapakanan ang mga natutunan, hindi ko rin naman ito ipagpapalit.

No comments:

Post a Comment