Wednesday, November 28, 2007

car accident

Mga alas-otso na ng gabi. Katext ko ang aking nanay at inaayos kung saan nila ako dadaanan pauwi. Gamit ang Starex, inihatid muna nila ang mga batang nanggaling sa bahay. Nanatili lamang ako sa may labasan ng aming subdibisyon.

Malapit na raw sila, text ng nanay ko. Siya namang paglingon ko sa Ortigas Ave, nakita ako ang aming Starex halos paliko na papasok sa ng subdibisyon.

Maluwag ang kalsada at halos wala nang mga sasakyan. Mula sa isang maikling pagtigil, idiniretso na ng Starex upang tumawid nang may biglang rumagasang Liteace at sumalpok sa harapan ng Starex. Sinubukan pa ng Starex na umurong palikod upang iwasan ang banggaang nangyari ngunit tinamaan pa rin ito.

Malakas ang tunog ng bangga. Basag ang headlights ng Liteace.

Nang makita ko ang pangyayari, agaran akong tumakbo papalapit sa sasakyan namin. Mga ilang segundo kong naramdaman ang panlalamig at kaba. Bumaba ang tatay ko mula sa Starex. Sinalubong siya ng apat na naglalakihang lalaki mula sa Liteace, ang isa namumula ang mata na parang lasing. Lahat ay mukhang galit sa pangyayari. Bumuhos ang ulan.

Pumasok sa isip ko ang ilan pang ganitong mga pangyayari, kung minsan pa nga'y umaabot sa sakitan. Naalala ko rin ang minsan kong nakitang pagtangkaan ang buhay ng tatay ko ng isang lasing na pulis.

Mabilis na ang takbo ng isip ko. Habang nag-aaway pa sila, inilabas ko ang aking cellphone at kumuha ng litrato mula sa kantong kinatatayuan ko. Tinandaan ko rin ang plate no. ng Liteace. Nakahanda ako sa kahit ano mang mangyayari.

"Si pastor ba iyon?", wika ng isa sa dalawang batang nasa tabi ko.

"Oo, tatay ko iyon." Tumingin sa akin si Jordan, isa sa dalawang bata at nakatira sa likod ng simbahan. Maya-maya ay tumakbo na pabalik sa simbahan ang dalawang bata. Ilang sandali dumating na sina Kuya Jonell.

Mukhang nagkaayos na ng mga may ari ng dalawang sasakyan at mukhang nagpipirmahan ng mga impormasyon ukol sa sarili.

Itinabi na ng tatay ko ang Starex papasok ng subdibisyon at saka nakipag-usap muli sa mga may ari ng Liteace. Lumabas na mula sa sasakyan ang aking nanay at tiningnan ang sira ng Starex. Bumper ang nawasak.

"Inako ni papa."

"Ha? Bakit?"

"Si papa naman ang may mali e. Siya ang tumatawid."

"Hindi ako driver pero mula sa nakita ko, sila ang mali. Ang bilis-bilis nila tapos ang luwag ng kalye."

"Mabilis din naman si papa a."

Bumalik ang tatay ko sa sasakyan. Gusto daw nilang sumama hanggang sa bahay para makasiguradong ipapaayos ng tatay ko ang Liteace. Dinala namin sila sa simbahan. Sandaling binuksan ng pinto ng Starex, tinitiggan kami ng nanay ko ng dalawa sa apat na mga lalaki.

Umalis na ang Liteace. Magkikita daw sila ng tatay ko alas-siyete ng umaga kinabukasan.

Lumapit si Kuya Jonell, "Lasing yung mga lalaki e."

Pagpasok ng tatay ko sa sasakyan para umuwi na, hindi ko napigilang itanong bakit niya inako.

"Militar silang lahat."

Naintindihan ko na. Kahit alam kong nasa tama ang tatay ko, hindi ko maiwasang mainis. Nasaan ang sense of justice sa bansang ito?

Huli kong balita, dinala na ng tatay ko ang Liteace upang ipaayos. Sinimulan nang gawin ang mga sira mula sa pagkakabangga. Humirit ang mga militar na may pupuntahan daw silang napakaimportanteng pagtitipon kaya kung maari ay ipaayos na rin ang ilan pang bagay sa Liteace. Hindi pa rin umangal ang tatay ko.

Pinipilit kong huwag ayawan ng tuluyan ang mga militar sa personal na dahilan pero hindi ko talaga magawa. Napakapulpol ng sistema, napakapulpol ng mga taong ito. Nakakainis.

2 comments:

  1. malapit ka sa aksidente, marts. ilang beses na yan. ingat ka palagi.

    re post, ang importante walang nasaktan (tho ung feeling over the injustice..)

    ingat :D

    ReplyDelete
  2. naku, lapitin ka ng aksidente, marts. ilang ulit na yan. buti na lang walang nasaktan (tho ung feeling over the injustice kamo..)

    ingat palagi. :D

    *dehin mo pa pala nakkwento ung nangyari dati :P*

    ReplyDelete